Showing posts with label Adbentyurs of Ycoy. Show all posts
Showing posts with label Adbentyurs of Ycoy. Show all posts

December 18, 2007

Ang Masaklap Na Kapalaran Ni Ycoy


Bakit kapag nai-in love, napakasarap ng feeling
Ngunit pag nasasaktan na, wow! ang hirap tanggapin
At tuwing makikita mo sya gusto mo syang yakapin
Nang ikaw nama'y lokohin gusto mong syang saksakin
Yung tambay sa kanto binibiro ka lang, sinagot mo
Tapos ako itong tal'gang seryoso sayo, binasted mo
At noong tanungin kita kung bakit ganun
Sagot mo sa'kin "kasi kulang ka sa datung"
Walang'yang 'yon, pinaasa lang ako
Inubos munang lahat ng yaman ko
Pagkatapos ay biglang tinalikdan ako
Ay! Tangang buhay ito! Napakatanga ko!
Ewan ko ba ako'y naguguluhan
Sa pag-ibig ako'y nahihiwagaan
Ang naglalaro'y sineseryoso
At ang seryoso'y nagmumukhang payaso
Di ko maintindihan ba't di mo sya maiwan
Sa kanya nama'y lagi ka lang luhaan
Di ko malaman kung ika'y sadyang masokista
Baka naman durugista! Hmm, sabihin mo nga
Sabi mo ganyan talaga pag nagmamahal.. nasasaktan
Kasa-kasama ang lungko't hinagpis na di maiiwasan
Tanong ko nama'y "pati rin ba ang katangahan?"
Ang pasisisi nga naman laging nasa hulihan
Pagkat nang pag-ibig ko'y iyong tanggihan
Di napigilan, ang sarili ko'y binatukan
Napasaklap ng aking tinamong kapalaran
Kaya naman mga mata ngayo'y mugto't luhaan





September 23, 2006

LBC

Anong kabutihan ang nagawa ko at dumating ka sa buhay ko?
Dala-dala mo’y pag-ibig na walang sintamis
Pag-ibig na nagbigay kulay sa ordinaryo kong buhay
Ligalig sa pusong minsa’y naging istatwa

Bumuo ng mga pangarap na ikaw ang kasama
May mga munting alay na sayo’y nais ipadala
Ay buhay, anong kabalbalan kaya ang aking nagawa?
At ikaw ay biglang lumisan ng walang paalam

Umalis ka na’t lahat lahat, nag-iwan ka pa
Mga sandaling walang kasing lungkot
Paligid na walang buhay at sigla,
Isang buhay na muli'y dilim ang bumalot

Dinamdam ko masyado ang iyong paglisan
Pero bakit nga ba patuloy kong pahihirapan
Ang sarili kong nabuhay naman noong ika’y wala pa?
Hindi maiaalis na ako’y masaktan
Hindi mawawala ang ako’y maghinagpis
Sa saglit na ligaya at kakarampot na tuwa na iyong pinadama
Dahil sa ayaw ko man at sa gusto, mahal kita ng lubos at sobra

Heto ako ngayon, nabubuhay ng wala ka
Nabubuhay ako dahil kailangan kahit ano pa
Wag nyo akong sabihang tanga o isang nagpapakatanga
Pagbigyan nyo na lamang ang aking pagdadrama
Sino nga ba ang nawalan? Ako naman di ba?

Parang sugat na binudburan at kinuskusan ng asin
Ganyan ang sakit na idinulot mo sa akin
Meron pang pagkakataon ako’y nakakita ng liwanag
Akala ko, bumalik ka na…hindi pala
Sa sakit, ako’y hihimatayin na pala

Haaayyy pasasaan ba’t ito’y maghihilom din
Darating din ang panahon na ito’y gagaling din
Sigurado ako mag-iiwan ito ng peklat
At sigurado akong hindi ka mawawaglit sa aking alaala
Paano ba naming hindi?!
“I’ve been here” pa ang napili mong pangmarka
Wala ka namang lahing sadista sa lagay na yan

Sabi ko, darating din ang panahon pag naghilom na ito
At isang peklat na lamang ang magsisilbing palatandaan
Sa isang pag-ibig na minsan sa buhay ko’y nagdaan
Maalala man kita, hindi na ako masasaktan pa
Buhay nga naman, naisip kong bilga
May mga peklat palang kumikirot pa rin
Lalo na sa panahon ng tag-lamig
Gaano man ito katagal na

Sa mga darating pa na pag-ibig ang dala-dala
Siguraduhin nyo lang na pag kayo’y lumisan
Isama nyo na balat at kalat ng regalo nyong di ko naman inasam
Maawa naman kayo sa akin
Iwanan nyo ako kung paanong ako’y inyong dinatnan
Na parang wala lang, di ko pansin at di ramdam
Dahil sa susunod na mangyari pa ito sa akin
Ipapa-LBC ko ang mga yan patungo sa inyong kinaroroonan
Tignan natin kung kayo’y matuwa
Pag kayo na mismo ang nakatikim ng pait ng isang paglisan

Paano ko ba tatapusin itong aking drama?
Ahh, alam ko na.. ng may pag-asa
Pag-asang isang araw ay babalik ka
Sapagkat nais mo pa lang
Sa iyong paglisan ako’y iyong isama
Ohohohoyyy Asa ka pa!

Ngayon, magtitiis na lang muna ako
Sige lang ng sige hangga’t pupuwede
Wala naman ako magagawa at ganyan talaga
Pero wag kang mag-alala, bukas may LBC ka.

April 17, 2006

Ang Pag-Ibig Ni Ycoy

Hindi man kita na-text o natawagan ngayon
Wag mong iisipin na di ka laman ng aking diwa
Wala nga yatang pagkakataon na nawala ka sa isipan ko
Hindi man kita nasamahan noong minsang nais mong magliwaliw
Wag mong iisipin na sa'yo wala ng panahon
Kung noong minsan na tayo'y magkasama at nagmadaling umalis
Wag mong iisipin na ika'y di na nais pang makasama
Kahit kelan di ko ninais na sayo'y mawalay pa
Hindi man kita pinipigilan sa mga nais mong gawin at marating
Wag mong iisipin na sayo ako'y walang pakialam
Pagkat kahit na tayong dalawa ngayon ay iisa
Di ko hinangad na kalayaan mo'y aking pigilin
At kung may pagkakataon man na ako'y nagduda
Wag mong iisipin na iyon ay dahil sa iyo'y wala akong tiwala
Mahal, natakot lang ako na sa akin ika'y maagaw ng iba
Kung ako man ay mapatingin sa ibang babae
Wag mong iisipin na ako sayo'y nagsasawa na
Ganda nila'y masarap lang tignan
Mga mata ko'y pansamantalang kanilang binigyan ng ligaya
Subalit sayo nama'y nabubusog puso ko't buong pagkatao
Ika'y di kakayaning ipagpalit pa sa iba
Marami man akong nagawa na iyong di nagustuhan
Nasaktan kita't napaiyak, minsa'y nasigawan na't napagdabugan
Marami na ring sayo'y naging mga kasalanan at pagkukulang
Mga bangayan, selosan at tampuhan nati'y di na mabilang
Wag mong iisipin na sa akin ika'y wala ng halaga
Pagkat mahal na mahal kita
Wala ng ibang pang mamahalin
Ngayon at sa mga darating pang mga araw
Walang ibang panalangin kundi ang ika'y makapiling
Ikaw at ikaw lamang, ikaw ang buhay ko
Alam ko mga sinabi ko'y mahirap paniwalaan
Ganyan talaga ang pag-ibig ko sayo
Hindi perpekto subalit totoo

July 2, 2005

Ang Pagtatapat Ni Ycoy

Puso’t isipa’y may nais malaman
Tanong ko ay ano nga bang talaga,
Ang para sa akin ay iyong nadarama
Kaibigan lang ba o may pagsintang kasama?
Pag ika’y kausap, araw ko ay kay ganda
Ngunit pag sayo’y nawalay na
Parang mundo’y walang kwenta.
Kulang na lang oras ay hatakin
Upang ikaw ay muling makapiling
Dinadaan ang lahat sa biruang usapan
Na dulot naman sa iyo’y simpleng kasiyahan
Hindi nga ba’t sa biro ko rin lang ipinaalam
Ang damdaming pilitin man ay di mapigilan.
Nito lamang huli sa iyo ay buong tapang
Ibinulaslas ang tunay na pagsinta
Aking ipinarating at sinabi ng tapat
Na pagpapahalaga sa iyo
Higit pa sa kaibigan lamang.
Subalit di naman nabigo
Nang iyong sagutin
Ang rebelasyong akala
Sa hangin ay nahumaling
Iyong kataga, tayo’y maghunos dili
Sa pagmamadali baka tayo magkamali.
Aking nirespeto ang iyong ninais
Sana’y iyo rin palampasin
Ang aking pagiging mabilis.
Muli't muli'y aking sasambitin
Pagmamahal sa iyo'y kusang binigay
Walang kapalit na ako'y hinihintay
Sapat na ang ika’y nakilala
Puso ko’y nabigyan mo ng buhay at saya
Maituturing na ngang isang biyaya
Kung pagkatapos ng lahat
Sa puso mo, ako rin pala ay namayagpag.