November 30, 2007

Ako Ba Ay Gwapo?



Tanong ko'y simple lang
Sa pagsagot ay di mahihirapan
Di kailangan ng dahilan
Lalo na ng mahabang usapan


Madali naman akong kausap
Basta ba ikaw ay tapat
Ako'y di rin magagalit
Kung sabihin mong ako ay pangit


Kaya't wag na akong pag-isipin
Wag na ring pahulain
Ako nama'y di nanggaling
Sa lahi ni Madam Auring


O, ano na?
Ako'y naiinis na!
Di ka na nga nagsalita,
Tumawa ka pa! 



November 26, 2007

Payong Kaibigan


Minamaliit pagkat kapos sa karangyaan
Nagmumukhang tanga dahil sa kaalaman ay kinulang
Nababahag ang buntot at kinakapos sa tapang
Nagngingitngit sa galit dahil ikaw ay nasasapawan


Ganda'y walang ningning dahil sa pormahan ay napag-iiwanan
Mapasama sa lakaran ay suntok sa buwan
Di mapansin dahil sa kagalingan ay salat
At sa listahan ng mga sikat ika'y di nabibilang


Tatahimik ka na lang ba't magpupuyos sa isang tabi?
Iangat mo ang iyong sarili!
Marahil agad iyong sasabihin
"Madaling sabihin, mahirap gawin"


Subalit wag sanang mamasamain
Kapag pagkatao na'y naaapakan,
Di man magandang pakinggan,
Ang payo ko sa iyo kaibigan,
Idaan mo sa yabang!